ATBP | Ngayon.

Matagal-tagal na rin mula nang huli akong nagsulat. Nawalan ako ng gana dahil akala ko’y wala nang dahilan para magsulat pa. Nawalan ako ng gana dahil akala ko’y wala na akong maisusulat pa. Nawalan ako ng gana dahil bibigyan ko lang ang sarili ko ng rason para may balikan…at ayaw ko nang bumalik pa sa kung saan man.

Wala pa rin akong gana hanggang ngayon–ngayon kung kailang napagtanto ko, hindi ko man aminin o gustuhin, na ako rin pala ang kusang babalik sa kung saan man na gusto ko nang layuan.

Ngayon kung kailan akala ko ay tama na ang aking ginagawa at binubuong muli ang aking mundo; saka sisigaw si Tadhana na hindi pa pala tama. Kaya unti-unti lang itong gumuguho… isang kastilyong buhangin na sa dalampasigan ko pilit itinatayo. Walang proteksyon bukod sa pag-asang hindi ito aabutin ng tusong alon.

Ngayon kung kailan akala ko ay ubos na ang luha at hindi na muling dadaloy sa aking mukha; saka bubulong ang lungkot at hihimukin itong h’wag nang mahiya. “Ako lang naman ang makakakita,” idaragdag pa niya sa kanyang paanyaya. Samantalang ako naman ang makadarama ng hapdi sa bawat pagpatak nito sa nilalakarang kalsada.

Ngayon kung kailan akala ko ay kaya ko, sinasabi kong kaya ko ang sakit, kaya ko ang mag-isa–pinagdaanan ko na ito, ano ba ang pinag-iba?–saka kakatukin ng reyalidad, paulit-ulit, ang aking puso. Saka hahaplusin ng kanyang malamig na kamay at sisikilin ang anomang saya na naiwan dito.

Ngayon kung kailan akala ko ay okay pa ako, buhay pa, humihinga; saka ako magtatanong sa sarili kung alin ang tunay at alin ang kathang-isip ko na lang. Hindi ko na alam kung ang paghinga ko ay may dahilan. O kung humihinga pa ba ako dahil ang nadarama ko lang ngayon ay sakit sa dibdib at lubos na kalungkutan. Gusto kong sumigaw ngayon, pero baka ang lumabas lang sa aking bibig ay “Wala kang dapat ipag-alala, okay lang ako. Pangako ko ‘yan sa’yo.”

Hanggang kailan matatapos ang ngayon? Sana bukas na. Napapagod na rin akong mawalan ng gana.

At kapag natapos na, sana ako na rin ang dapat, ang tama.

“Kung ika’y mawawala sa aking piling, dinggin mo aking bilin. Lingon ka lang paminsan minsan; dito lang ako, ‘di ako lilisan. Sa aking dulo, ‘di ako lilisan.”

Advertisements

One Comment Add yours

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s